BUKOD sa apat na kalalakihan na naitala na nalason sa lambanog sa lungsod ng Sta. Rosa, anim pa ang iniulat na namatay sa lungsod naman ng Calamba.
Ayon kay Supt. Harold Depositar, hepe ng pulisya, nakilala ang mga biktimang sina Jonathan Barseta, Jesus Olanday, Rhoderick Martinez, Cornelio Opulencia at isang Nestor Mancay, pawang mga residente ng Brgy. Sucol habang ang isa pa sa mga ito ang patuloy pa ring kinikilala na naninirahan sa Brgy. Linga.
Sinasabing una umanong nalason sa isang lamayan sa Brgy. Linga ang hindi pa nakikilalang biktima may ilang araw na ang nakararaan samantalang ang lima pa sa mga ito ay noong nakaraang araw lamang ng Linggo.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ni Depositar na lambanog na may label na “Bossing Pure Lambanog Tumador” na nagmula sa lalawigan ng Batangas ang pawang nainom ng mga biktima na kahalintulad din umano ng mga nainom ng mga biktima sa Quezon City at lungsod ng Sta. Rosa.
Dahil dito, agarang pinakumpiska ni Depositar sa kanyang mga tauhan ang lahat ng lambanog na may label na Bossing na ibinebenta sa mga tindahan sa buong lungsod kaalinsabay ang pagpapalabas ng direktiba ng pamunuan ng City Health Office na bawal na itong ibenta.
Bukod aniya rito ang isasagawang malalimang pagsusuri ng pamunuan ng Department of Health (DOH) para agarang matukoy ng mga ito kung ano ang posibleng uri ng chemical na nakalason sa mga biktima kung saan pawang dumanas ng pananakit ng tiyan, pagkahilo, panlalabo ng mata kasunod ang matinding pagsusuka dahilan ng kanilang maagang kamatayan. DICK GARAY
Comments are closed.