MALIGAYANG Pasko, ka-negosyo! Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoong Diyos ng lubaos na biyaya lalo na’t sa pamilya. Narito na tayo sa kanto ng 2020 at 2021. Malamang excited na rin kayo sa pagsalubong sa bagong taon. Sa mga paghahanda natin, kailangan nating isiping muli ang mga paraan upang matutukan ang mga kostumer natin. Dahil nga nakaumang na ang bakuna sa 2021 sa Filipinas, mas magkakaroon ng unti-unting kumpiyansang lumabas ang mga mamimili pagdating ng panahong iyon. Narito ang ilang paraan para magkaroon ng masasayang kostumer sa 2021. O, ano, tara na at matuto!
#1 Matuto sa ‘di napasayang kostumer
Sabi ng may-ari ng Microsoft na si Bill Gates, “ang mga kostumer mong ‘di mo lubos na napapasaya ay siya ring mga kostumer na panggagalingan mo ng kaalaman.” Tama nga naman, ‘di ba? Kaya sa pagkakataong ito, ang mga komunikasyon mo ukol sa customer service ay dapat nakatutok sa dalawang bagay:
- Hanapan ng solusyon na baligtarin ang pagiging bigo ng isang mamimili na sumaya at gawin itong loyal na kostumer.
- Intindihin ang mga pagkukulang lalo na sa larangan ng produkto upang mas mapagbuti pa ang mga ito.
#2 Intindihin ang pinanggagalingan ng reklamo
Kahit gaano kabigat ang mga reklamo (o complaint) ng mga mamimili mo, lahat ‘yun ay may wasto at may pinaghuhugutan. Huwag mo ito basta balewalain. Tandaan mo na ang bawat kostumer ay may ine-expect sa iyong produkto o serbisyo. Kung ‘di mo ito naibigay o nagampanan ng naaayon sa kanilang iniisip na kalidad o pamantayan, magsasalita ito o magbibigay ng feedback. Kaya dapat mong intindihing mabuti at namnamin ang mga sinasabi nito at sikaping maayos. Mas makabubuting makipag-ugnayan sa kanila agad upang malunasan ang anumang bagay na sa tingin nila ay ‘di naibigay. Sa dulo, ang matututunan mo ay siya ring makapagpapaangat sa kalidad ng produkto o serbisyo mo. At ang mga natugunang kostumer ay babalik sa iyo at baka maging loyal pa.
#3 Panatilihin ang pagiging positibo ng customer service
Kung isang listahan ng mga reklamo ang iniharap sa tao mo sa customer service, relax lang kamo siya (o sila). Ang pagpapanatili ng positibong pananaw at perspektibo at ang pagiging malamig ang ulo sa ganoong mga pagkakataon ang siyang magdadala ng maayos na negosyo sa 2021. Gaya ng nabanggit ko kung saan isang pagkakataon upang may matutunan ka sa mga reklamo o puna ng mga kostumer, ang pagiging cool sa mga ganitong pagkakataon ay isang bagay rin na matututunan. Ang pagpapasensiya ay kailangan ng training. Kaya kung dumating ito, mas mainam na pagdaanan lamang.
#4 Mag-alok ng iba’t ibang solusyon
May kailangan mang pagwawasto o wala, ang pagkakaroon ng maraming solusyon sa iba’t ibang problema ay mahalagang mapaghandaan. Ang pag-alok ng maraming uri ng solusyon sa mga kostumer ay nagpapakita ng pagpapahala sa kanila. Lalo na kung may nagawa kang ‘di nila nagustuhan, mas nakikita nila na pinahahalagahan mo ang mga kostumer mo. Mas mainam na itulak ang pinakamaayos na solusyon din kaysa hintayin ang kanilang mapipili, at ipaliwanag nang mabuti ang pag-alok ng solusyon na ‘yun.
#5 Kilalanin ang pagkakaiba ng mga kostumer
Tandaan mo na ‘di pareho ang eksperiyensya at pinanggagalingan ng mga kostumer mo. Kaya dapat iayon ang bawat galaw at pangungusap sa tipo ng kostumer mo. Kapag nagawa mo ito, makikita nila ‘di iisang solusyon ang gagawin sa bawat problema. At tiyak makikita nilang pinahahalagahan mo nga sila nang tunay.
#6 Pagkakaroon ng personal na paghawak sa bawat sitwasyon
Ano man ang sitwasyon, dahil nga iba-iba ang kostumer, mas mainam na may “personal touch” ang paghawak sa mga kostumer mo.Ang pag-assign ng isang tao (o ikaw mismo bilang boss) upangmagampanan ang customer service sa isang kostumer na nagreklamo, ay mahalaga. Siguradong mas maiibsan ang anumang negatibong pananaw ng isang kostumer kung ganito ang gagawin mo.
Konklusyon
Sa pagkakaroon ng masyang kostumer sa 2021 ay dapat magsimula ngayon din. ‘Wag balewalain ang mga reklamo at ang pagkakaroon ng personal touch o pagbibigay ng extra mile ay makakadagdag puntos sa larangan ng customer service. Sa dulo, iisipin mo ang nais mong maranasan kostumer at iyan ang mga bagay na gawin sa mamimili mo
Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makakaranas ng pagsubok. Tuloy lang! Maligayang Pasko po!
Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak [email protected].
Comments are closed.