MUNTINLUPA CITY –NAISALBA ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Muntinlupa City Police ang anim na menor na pawang nasa apat na taong gulang na umano’y ginagamit sa mga illegal drug transaction mula sa isang drug den habang anim na katao naman ang naaresto kabilang ang babaeng lider ng mga ito kamakalawa.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Cristina Lopena, 52, may-ari ng drug den at lider ng Lopena Drug Group; Marlon Macatuggal, 24; Mark Gil Patriarca, 35; Dandrian Alvarez, 30; Michael Lopena, 38; Virgilio Valdrias, 35 pawang mga residente ng Brgy. Sucat at isang 19-anyos na taga Marcelo Green, Parañaque City.
Ayon sa PDEA, dakong alas-5:25 ng hapon nang isagawa ang operasyon kasama ang Muntinlupa City Police at Department of Social and Welfare Development (DSWD) kung saan nasagip ang mga biktima sa isang pinaniniwalaang drug den na pag-aari umano ng lider na si Cristina sa no. 328 Al-ley Purok 1, Barangay Sucat ng naturang lungsod.
Sinalakay nila ang lugar sa bisa ng isang search warrant na inisyu ng korte.
Ayon kay PDEA Director Aaron Aquino, posibleng ginagamit ng mga suspek ang mga menor edad para sa kanilang illegal drug operation.
Samantala, ang anim na menor na pawang nasa apat na taong gulang ay iti-turn-over na sa tanggapan ng DSWD.
Nakumpiska naman sa mga suspek ang 22 transparent plastic sachets na tinatayang nasa 30 gramong shabu na may street value na P204,000, 13 plastic bags na naglalaman ng nasa 100 gramong pinatuyong marijuana, na nagkakahalaga ng P12,000, mga drug paraphernalia at isang kalibre .38 revolver. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.