6 PATAY, 18 SUGATAN SA 2 ROAD ACCIDENT

CAVITE- DALAWANG malagim na aksidente ang sumalubong sa mga Caviteños matapos na masawi ang anim katao at pagkasugat ng 18 iba pa sa dalawang magkahiwalay na road accident sa unang linggo ng 2024.

Base sa record ng CALABARZON highway Patrol Group, anim ang dead on the spot noong Huwebes ng madaling araw nang bumangga sa isang malaking puno sa tabi ng highway ang isang pampasaherong van na galing umano sa isang family reunion sa Bicol.

Ayon kay Naic police chief Lt. Col. Chester Borlongan, nangyari ang aksidente sa bahagi ng Governors Drive, Barangay Sanang Ibaba, Naic, Cavite.

Sakay ng nasabing van na minamaneho ni Jun Ayuban ang pamilya Brocales na binubuo ng 10 katao at 8 iba pa na pawang mga tulog nang maganap ang banggaan.

Sa pahayag ng ilang nakasaksi, tumilapon pa umano mula sa loob ng van ang ilang pasahero na agad na ikinasawi ng mga ito.

Sinabi ni Borlongan na nakausap pa niya si Ayuban bago ito malagutan ng hininga kung saan inamin umano nito na lasing at pagod siya sa haba at layo ng biyahe mula Bicol.

Samantala, siyam katao naman ang grabeng nasugatan nang magkaroon ng head on collision sa pagitan ng isang trailer truck at isang van sa corner ng Centennial at Advincula road, Kawit, Cavite Huwebes ng Hapon.

Sa imbestigasyon ni Cpt. Jun Soriano ng Kawit police office, nawalan umano ng preno ang van kung kaya’t sumalpok ito sa kasalubong na truck. Wala namang naiulat na nasawi sa aksidente.

Mabilis namang naisugod sa Trese Martirez City hospital ang mga sugatang pasahero. ARMAN CAMBE