ISABELA- DEAD on the spot ang tumilapong sanggol at limang iba pa sakay ng tricycle at motorsiklo matapos na suyurin ng kasalubong na trailer truck sa Tumauini sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng Tumauini Police, tinatahak ng tricycle at motorsiklo ang national highway sakop ng Barangay Balug nang bigla silang salpukin ng kasalubong na trailer truck na biglang sumakabilang lane .
Sa lakas ng banggang ay total wrecked ang tricycle na nanggaling sa isang kasalan at motorsiklo na minamaneho ng isang Indian national matapos silang salpukin ng trailer truck na sumadsad naman sa maisan kasunod ng impact.
Nabatid kay Lt. Jessie Alonzo, Deputy Chief of Police ng Tumauini na nakainom ang driver ng truck at aminado ito sa kanyang pagkakamali.
Agad na nasawi ang driver ng motorsiklo na si Kuldip Singh, 38-anyos na taga-Gamu, Isabela.
Dead on the spot din ang mga sakay ng tricycle, kabilang ang driver na si Arnel Menor, 37-anyos; misis na si Diana Rose, 36-anyos; ang anim na buwang gulang nilang anak at tatay ni Diana Rose na si Ernesto Caronan, 71-anyos.
Nagawa pang madala sa ospital ang misis ni Ernesto na si Elma, 64-anyos pero pumanaw din habang ginagamot.
Kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng Tumauini PNP ang driver ng truck matapos itong isalang sa medical examination ng Rural Health Unit ng Isabela. VERLIN RUIZ/IRENE GONZALES