6 PATAY SA SUNOG

LUMALABAS sa pinakahuling ulat na anim na katao ang hindi pinalad na makaligtas makaraang lamunin ng naglalagablab na apoy ang isang residential compound sa Arlique St., sa Quiapo Maynila kahapon ng madaling araw.

Kumpirmadong nasawi sa sunog ang kambal na sina Cheska Celine at Cheska Camille Perito, mag-asawang sina Jofae Mae Porio at Rol Daniel Cayetano at kanilang anak na si Ronan Cyrus Cayetano at isa pa nilang kapitbahay.

Tinataya umanong 500 pamilya naman ang naapektuhan at nawalan ng tirahan matapos maging abo ang kanilang mga bahay.

Ayon sa ilang residente, bigla na lamang nakarinig ng malakas na putok at nang makita ay may makapal nang usok kaya dali-dali silang lumabas sa kanilang bahay upang isalba ang sarili.

Sa ngayon pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng kabilang barangay ang mga nasunugan habang hinihintay ang tulong mula sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno.

Ang mga labi ng mga biktima na na-trap sa sunog ay dadalhin sa Sanctuary Funeral Homes.

Pasado alas-2 ng madaling araw nang magsimula ang sunog at naapula pasado alas-8 ng umaga kung saan inakyat ang sunog sa ikatlong alarma. PAUL ROLDAN