6 Pinoys pinarangalan

ANIM na Pilipino ang kinilala kamakailan sa 2024 Award for Promoting Philippine-Chinese Understanding (APPCU).

Nasa Hall of Fame na sina Larry Tan Villareal at Gabriel Ma. J. Lopez, habang Outstanding Contribution naman dina Benito Techico at Manuel Mamba.

Sa kategorya ng Major Contribution, ginawaran sina Ching Tan Cua at Lily Tan Lim.

Pinarangalan ang nasabing mga Pinoy dahil sa kanilang mahalagang kontribusyon sa pagtataguyod ng pagkakaunawaan, pagkakaibigan at pagtutulungan sa pagitan ng Pilipinas at China, partikular sa pagsusulong ng magandang relasyong bilateral.

Ani APPCU chairman Raul Lambino, magsisilbing inspirasyon ang anim na Pinoy upang mapalawig ang pagkakaibigan ng Pilipinas at China.

Naging Hall of Famer si Villareal dahil sa pagbabahagi ng 86 na rural schools sa bansa nitong nakaraang 30 taon.
Eksperto siya sa paglimbag, kuryente, pananalapi at ari-ariang lupa at bahay.

Si Villareal ay Chairman ng Philippine Dowell Group of Companies.

Si Lopez naman ay isang educator at environmental planner, na nagpamalas ng husay bilang consultant at guro sa mga pamantasan sa bansa katulad ng John Gokongwei School of Management, Ateneo School of Government, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Development Academy of the Philippines, Holy Angel University, San Sebastian Recoletos College de Cavite, at iba pang pamantasan sa bansa.

Sa Outstanding Contribution, isa sa ipagkakapuri ng Cagayan ay ang gobernador nilang si Manuel Mamba, isang doktor at pulitiko. Isinusulong niya ang CAGANDA 2025, na pakikipag-ugnayan sa mga karatig bansa katulad ng China, Taiwan, Korea at Japan bilang mga kapareha sa “sustainable people-centered economic development,” lalo na sa pagbubukas ng Aparri Airport.

Katatalagang Special Envoy of the President to China for trade, investments and tourism si Benito Techico.

Inaasahang makatutulong siya upang mabawasan ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa Major Contribution, kinilala ang guro sa Philippine Pasay Chinese School na si Lily Tan Lim, na reporter ng Orient News. Ito ang nagsilbing daan para siya ay mabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa sektor ng negosyo.

Noong 2021 at 2022, pinarangalan si Lim sa Galing Pinas Partnership Excellence Award mula sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA). Nahirang siyang Executive Director ng FFCCCII at Vice Chairman ng Federation’s Media and Public Information Committee.

Kinilala rin sa Major Contribution si Ching Tam Cua, na kilala sa larangan ng diplomacy, literature at cultural advocacy. Akda niya ang aklat na na “Flores de Mayo,” naging finalist sa National Book Award noong 2007.

Noong 2018, kinilala si Cua ng pagkilala sa husay sa pagsulat sa Elang Mas Cup, kung saan ang kanyang napanalunan ay Grand Prize sa Indonesia. RIZA ZUÑIGA