ORAS na aprubahan ni PNP officer in charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr., ang rekomendasyon ng PNP internal Affair Service, tiyak na sibak ang anim na pulis Caloocan .
Ito ay makaraang napatunayang guilty ang 6 na pulis sa kasong grave misconduct and conduct unbecoming of a police officer na inakusahang nanakit at nagnakaw sa isang vendor.
Dahil dito, pinasisibak na sa serbisyo ng PNP- IAS ang inireklamong 6 na pulis na kinilalang sina Cpl. Noel Sison; Cpl. Rommel Toribio; Cpl. Ryan Sammy Mateo; Cpl. Jake Rosima; Cpl. Mark Christian Cabanilla at Cpl. Daryl Sablay na pawang mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police Station.
Ayon kay Atty. Alfegar Triambulo, PNP IAS Inspector General, nagsumite na sila ng rekomendasyong sibakin ang 6 sa serbisyo sa tanggapan ng PNP directorate for Personnel Records and Management – Discipline Law and Order Division.
Sinabi ni Atty. Triambulo bigo ang mga akusadong pulis na magpaliwanag sa kanilang ginawa sa vendor na nakunan ng CCTV.
Ang 6 na pulis ay nag-viral sa social media matapos makunan ng CCTV ang ginawang pagpapaluhod at pagbatok sa vendor na si Eddie Yuson noong Marso 27.
Nakunan din ng CCTV ang pagkuha ng pera ng mga pulis sa bag ng vendor na nagkakahalaga ng ₱14,000.
Kapag inaprubahan ang rekomendasyon walang makukuhang anumang benepisyo sa PNP at hindi na kailanman makakapagtrabaho sa gobyerno ang mga akusado. VERLIN RUIZ