IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos sa PNP-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) na imbestigahan ang mga posibleng kasong kinasasangkutan ng anim na pulis Caloocan na sinibak at inilagay sa restrictive custody dahil sa kasong pagnanakaw sa isang padre de pamilya.
Kasabay nito, nanawagan din si Carlos sa iba pang mga biktima ng anim na pulis kaugnay sa kasong pagnanakaw na makipagtulungan sa mga awtoridad.
Ayon kay PNP Public Affairs Office Chief BGen. Roderick Augustus Alba, nasa restrictive custody na ngayon ang anim na pulis at iniimbestigahan na ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na miyembro ng Caloocan Drug Enforcement Unit.
Kinilala ang mga suspek na sina Cpl Noel Espejo Sison, Cpl Rommel Toribio, Cpl Ryan Sammy Gomez Mateo, Cpl Jake Barcenilla Rosima, Cpl Mark Christian Abarca Cabanilla at Cpl Daryl Calija Sablay.
“The involved personnel were immediately relieved so a fair investigation can proceed without any undue influence. They are now under restrictive custody, and disarmed of their service firearms,” pahayag ni Carlos.
Matatandaang nakunan ng CCTV ang insidente kung saan inakusahan ang mga pulis ng pagnanakaw ng P14,000 na ayudang nakuha ng biktimang si Eddie Yuson, 39-anyos mula sa livelihood program ng Department of Social Welfare and Development nitong Marso 27.
Nagsasagawa umano ng anti-illegal drug operation ang mga pulis nang mangyari ang insidente.
Inatasan na rin ni Carlos si NCRPO Chief MGen. Felipe Natividad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa insidente.
“Scalawags and erring members have no place in the PNP and rest assured that we will never tolerate unlawful acts perpetrated by our members,” pahayag naman ni Natividad. VERLIN RUIZ