6 RESO IPINASA LABAN SA PAMUNUAN NG BUCOR

ANIM na resolusyon ang ipinasa sa isang upuan ng mga konsehal sa isinagawang emergency special session ng Muntinlupa City Council nitong Sabado hinggil sa ilegal na pagsasara ng kalsada, pagpapalayas at pagsasagawa ng ilegal na demolisyon na ipinag-utos umano ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag at mga opisyales nito.

Sa isinagawang emergency special session ng Muntinlupa City Council na sinimulan dakong alas-3 ng hapon kahapon, ang unang inaprubahang resolusyon ay ang pagkondena sa aksyon ng BuCor at mga opisyales nito sa ilegal na pagsasara ng kalsada patungong Katarungan Village, MNHS at PLMun.

Ang ikalawang resolusyon ay ang paghingi ng request ng city council sa senado na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation sa agarang pagsasara ng kalsada patungong Katarungan Village 1 at 2 gayundin sa MNHS at PLMun kabilang ang mga daanan papuntang Southville 3 NHA Housing project at Type B NBP Reservation.

Nakasaad din sa ikatlong resolusyon ay ang pagbibigay ng awtorisasyon sa city legal office ng pamahalaang lokal sa paghahain ng lahat ng maaaring isampang kasong sibil, kriminal at administratibo laban sa mga opisyales ng BuCor dahil sa ilegal na pagpapaalis at pagsasagawa ng demolisyon sa informal settlers na isang paglabag sa konstitusyon, UDHA Law at ordinansa ng lungsod.

Ang ika-apat na resolusyon ay ang paghingi ng request sa Committee on Justice ng Kamara upang mabigyan ng update ang lokal na pamahalaan sa latest status ng Committee Report sa pagsasara ng mga kalsada patungong SV3 at Type B.

Ang ikalimang resolusyon ay ang pagdedeklara ng lungsod ng “persona non grata” sa BuCor director na si Bantag.

Panawagan naman ng lungsod kay Pangulong Rodrigo Duterte ang may kaugnayan sa ikaanim na resolusyon na humihiling sa pag-recall ng aksyon ni Bantag na isang paglabag sa konstitusyon.

Kaugnay nito,ipinag-utos na din ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa BuCor na itigil ang konstruksyon at gibain ang pader na kanilang inilagay na nagsisilibing harang sa mga kalsada sa lungsod.

Ayon kay Guevarra, bago pa man dapat gumawa ng aksyon ang BuCor ay kinakailangan na magkaroon muna ng maayos na konsultasyon sa lokal na pamahalaan gayundin sa barangay na nakasasakop sa lugar ng pinangyarihan. MARIVIC FERNANDEZ