6 SUGATAN SA SUMABOG NA GRANADA

COTABATO- SUGATAN ang anim katao matapos ang naganap na pagsabog ng isang granada sa Pikit nitong Sabado ng gabi.

Base sa report ng Pikit Municipal Police Station na inilabas isang oras kasunod ng insidente, nagtamo ng shrapnel wounds sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang anim na biktima na kinilalang sina Rahib Buisan Alang, 41-anyos; Esmail Abdul Abu, 44-anyos; Ben Abdulkadir Matcher, 18-anyos; Muhamad Guimbalangan Kalido, 39-anyos; Tarmeji Silo­ngan Kalido, 37-anyos, at Mukindang Guiamba­ngan Kalido, 60-anyos.

Ang mga biktima ay kasalukuyang ginagamot sa iba’t ibang ospital matapos isugod sangi ng malakas na pagsabog na naganap sa Sitio Punol sa Fort Pikit, nasa sentro mismo ng naturang bayan.

Patuloy pang inaalam pa ng mga imbestigador ng Pikit Municipal Police Station kung sino ang responsable sa pagpapasabog ng granada na dahilan ng pagkakasugat ng anim na biktima.

Dahil sa problema sa “peace and order” sa Pikit, ang bayang ito ay laging nababalita sa regional at national newspapers at ng mga himpilan ng radyo sa Mindanao at iba’t ibang rehiyon sa bansa bunsod ng walang tigil na mga pata­yan, mga pambobomba at madugong labanan ng mga armadong grupong Moro sa naturang bayan. EVELYN GARCIA