6 SUGATAN SA SUNOG SA CALOOCAN

sunog

CALOOCAN CITY – UMAABOT sa P6-mil­yong halaga ng ari-arian at nasa 50 kabahayan ang natupok ng apoy makaraang sumiklab ang sunog sa DM Compound na ikinasugat ng anim na residente habang nagtutulu­ngang maapula ang apoy kahapon ng madaling araw sa Barangay 73.

Batay sa report ng Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang apoy sa bahay ng isang Percival Amba, na 3-storey residential house at 2-storey residential house ng isang alyas Dianne na kung saan ­nakita ang apoy bandang 2:13 Martes ng madaling araw.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga tauhan ng BFP ang sanhi ng sunog na kung saan nadamay ang may 50 katabing bahay na yari sa kahoy na umaabot sa 100 pamilya ang naapektuhan sa naganap na sunog at umaabot sa P6-milyon  ang halaga ng mga ari-­arian na natupok ng apoy.

Nakilala ang mga nasugatan na sina Vimwel Zalora, 24-anyos; Areeya Bas, 21-anyos; Joana Ronquillo, 15-anyos; Cindy Rose Manalo, 14-anyos; Ailine Ronato, 21-anyos at isang kagawad ng BFP na si FO2 Patrick Lenaming, 28-anyos.

Umabot sa Task Force Alpha ang naganap na sunog at mahigit tatlong oras ang pagliyab bago idineklarang fire out bandang 5:44 ng umaga.

Samantala, agad namang nagpadala ng tulong ang pamahalaang lokal ng Caloocan City sa may 200 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay 73.

Ayon kay Social Welfare and Development action officer Obet Quizon, agad na nag-utos si Caloocan City Mayor Oca Malapitan na magbigay ng tulong sa mga nabiktima ng sunog, kasabay ng pamamahagi ng pagkain at medical assistance sa mga nasunugan. EVE GARCIA/VICK TANES

Comments are closed.