6 SWIMMERS NAGNINGNING SA FINIS NAT’L LC FINALS

APAT na promising junior swimmers, sa pangunguna nina Kail Dominic Kahulugan at Gideon Ancheta, ang humakot ng gintong medalya, habang nagningning sa senior at special child division sina Noel Celwyn Cartera at Adriana Yulo sa pagsisimula ng 2022 FINIS Long Course National Championships nitong Sabado sa New Clark Aquatic Center sa Capas, Tarlac.

Nadominahan ng anim na taong gulang na si Kahulugan ng KLW Swim Team ang lahat ng kanyang limang events sa kanyang kategorya matapos magwagi sa 50m freestyle sa tiyempong 49.57 segundo, gayundin sa 100m breaststroke (2:26.05), 200m individual medley (4:20.90), 100m butterfly (2:06.00), at 50m backstroke (57.62).

Pinantayan ni Ancheta ang dominasyon ni Kahulugan sa kanyang sariling kahanga-hangang mga pagtatanghal sa boys 7-year-old class, sa inangking ginto sa 200m IM (3:43.71), 100m fly (2:02.42), 50m back (52.30), 100m breast (2: 05.56) at 50m free (42.40) para siguruhin na makopo ang Most Outstanding Swimmer (MOS) Award sa pagtatapos ng programa at aktibidad ngayong taon ng FINIS Philippines.

“Sisiguraduhin ko sa lahat ng Filipino swimmers na gagawin ng FINIS ang lahat ng makakaya upang maibigay ang tamang plataporma sa kanilang paghahangad na makamtan ang mataas na antas sa sports. Hanggang may swimmers may tournament tayo sa FINIS. Sa susunod na taon, we’re planning a much bigger tournaments,” ani FINIS Philippines Managing Director Vince Garcia.

Dagdag pa ni Garcia, palalawakin ng FINIS ang programa nito hindi lamang para sa mga regular na manlalangoy kundi maging sa mga taong may kapansanan at mga batang nangangailangan ng espesyal na atensiyon.

“Walang maiiwan, lahat ng itataguyod natin. Nakita namin ang pinakamahusay sa kanila sa buong taon. Nakita naman ninyo ‘yung performance ng mga atleta nating with mild autism,” dagdag ni Garcia, proud ‘Godfather’ ng TODO Paratriathletes squad.

Tinukoy sa pahayag ni Garcia sina Cartera at Jarreth Dean Henthorne, parehong ipinanganak na may moderate autism na may severe mental/intellectual disability, at gumawa ng kanilang mga marka sa boys 19over class kung saan ang nauna ay nakakolekta ng limang gintong medalya sa 50m free (27.54), 200m IM (2:38.45), 100m fly (1:10.38), 50m back (33.37), at 100m breast (1:26.17).

Pumangalawa si Henthorne sa 200m Im (4:39.89) at inangkin ang bronze sa 100m fly (2:28.13),100m breast (2:42.02), 50m free (44.88) at 50m back (50.61). Nakakolekta siya ng walong pilak sa Luzon leg ng serye noong Disyembre 3.

Si Cartera, isang Grade 12 student mula sa Colegio del Sagrado Corazon de Jesus sa Iloilo City ay bahagi ng team na lalahok sa International Autism Challenge sa Germany sa Hunyo ng susunod na taon.

Si Yulo ng JBL Swim Club ay umarangkada sa girls 19-over na nanalo sa 50m free (30.34), 200m IM (2:50.77), 100m fly (1:23.36), 50m back (37.63), at 100m breast (1:26.26).

EDWIN ROLLON