CAVITE- Kulungan ang binagsakan ng anim na mangingisda makaraang masakote ng mga operatiba ng Cavite MARPSTA at Provincial Mobile Force Company sa inilatag na anti-illegal fishing operation sa karagatang sakop ng Cavite City kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga kinasuhan sa paglabag sa RA 10654 ay sina Aris Sengson y Roque, 48-anyos, operator/owner ng fishing banca na FBCA Irmalyn-S; Miller Planco y Apoli, 42-anyos, engine operator; Lordden Aguilar y Magistrado, master fisherman, pawang nakatira sa Brgy. Tanza 1, Navotas City.
Nasakote rin ang mga suspek na sina Jeorge Laderas y Sabino, 60-anyos; Jerald Laderas y Singkac, 28-anyos, engine operator at Joseph Manlapas y Escalante, 28-anyos, master fisherman at mga nakatira rin sa nasabing barangay.
Ang mga akusado ay pawang sakay ng fishing banca na Gabrielle EA kung saan kasama sa kakasuhan ang may-ari na si Irish Ashy Caballero ng Sevilla Street, Brgy. Altag, Malolos City.
Nasamsam sa mga suspek ang 22 kilos ng iba’t ibang uri ng isda, mga fishing net, gear paraphernalia at 2 motorized fishing banca kung saan ang mga ito ay dinala sa kampo ng Cavite MARPSTA at sasampahan ng kaukulang kaso. MHAR BASCO