CALOOCAN CITY – NASAKOTE ang anim na hinihinalang drug personalities matapos makumpiskahan ng mahigit sa P320,000 halaga ng ilegal na droga sa magkahiwalay na drug operation kahapon ng madaling araw.
Sa report ni PCP-1 Capt. Jeraldson Rivera kay Caloocan Police Chief Col. Noel Flores, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang makatanggap ng ulat mula sa telepono ang mga tauhan ng PCP-1 hinggil sa isang grupo na nagsasagawa ng illegal drug trade sa Intant St., Brgy. 155, Bagong Barrio.
Nang respondehan ni PCpl Wilbert Acosta at PCpl Heherson Lagua ay mabilis na nagpulasan ang grupo sa magkahiwalay na direksiyon dahilan upang habulin ng mga pulis hanggang sa makorner sina alyas Justine, 18-anyos, Reynaldo Galves Jr., 37, at Bernie Grande, 36.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na plastic sachet ng shabu na may timbang na nasa 17.82 gramo at may standard drug price na P121,176, isang block ng marijuana na may timbang na 250 gramo at may standard drug price na P30,000.
Dakong alas-10:50 naman ng Linggo ng gabi nang masakote din ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan, Jr. sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Giovanni Hycenth Calliao sina Emrinor Tenorio, 54 ng Balayan, Batangas; Jennifer Bugante, 45 ng Brgy. 176 Bagong Silang; at Victor Barajas, 19 ng Sta Rita, Tala sa buy bust operation sa kanto ng Ilang-Ilang at Barrio Concepcion Streets, Brgy. 188 Tala.
Ayon kay NPD Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, nakumpiska ng kanyang mga tauhan sa mga suspek ang nasa 25 gramo ng shabu na may standard drug price na nasa P170,000. EVELYN GARCIA
Comments are closed.