ARESTADO ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD) ang anim katao matapos salakayin ang isang establisimiyento na gumagawa umano ng pekeng COVID-19 vaccination card sa C.M. Recto, Manila kamakalawa ng gabi.
Ayon kay NPD Director BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr, isinagawa ang raid ng mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni Maj. Vicky Tamayo na nagresulta sa pagkaaresto kay Geraldine Vargas, 51-anyos ng Dagupan St., Tondo; Camille Cressida Halili, 34-anyos ng Batanes St. Sampaloc; Janneth Viernes, 42-anyos ng D. Aquino St. 4th Avenue, Caloocan City; Gengen Subito, 34-anyos ng Oroquieta St. Sta Cruz; Nikko Molina, 18-anyos ng Pasillo I Central Market at Ronaldo Benitez, 31-anyos ng Int. 2 Brgy. 310 Sta Cruz, Manila.
Nauna rito, nakatanggang si DSOU chief Lt. Col Jay Dimaandal ng isang tip mula sa kanilang confidential informant na ang mga suspek ay nagbebenta ng mga pekeng COVID-19 vaccination cards sa Caloocan City at Valenzuela City.
Dakong al-6:30 ng gabi, isang police poseur-buyer ang nagawang makakuha ng isang pekeng health vaccination card ng Caloocan City kapalit ng P1,800.00 marked money na naging dahilan upang agad lusubin ng mga operatiba ang naturang establisimiyento na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Narekober sa naturang establisimiyento ang ilang health vaccination cards ng Caloocan at Valenzuela Cities, fake Covid-19 antigen test results, fake vaccine receipts, gamit sa pagproseso ng mga pekeng dokumento, marked money na ginamit sa entrapment operation at P2,300.00 cash.
Kasong paglabag sa Art. 172 of Revised Penal Code in relation to Rule XI Section 1 paragraph B of Implementing Rules and Regulation of RA No. 11332 o alleged fake vaccination cards ang isinampa sa mga suspek. VICK TANES