6 TIPS PARA MAGKAROON NG MOTIBASYON ANG MGA EMPLEYADO MO

homer nievera

BAWAT negos­yo ay nanga­ngailangan ng maagap na paraan ng motibasyon sa mga empleyado. Ito ay dahil sa ang pinakamahalagang aspeto ng negosyo ay ang iyong mga tao. Narito ang ilan sa mga tip para rito:

#1 Alternatibong Lugar ng Trabaho

Ilang taon na ang nakararaan  nang marinig  ko ang terminong ‘tele-ommuting’ o ang pagtatrabaho na gamit ang telepono o Internet habang nasa daan ka. Ito ang simula noon ng ngayo’y kilalang ‘work anywhere’.  Kasi nga naman, ‘di na talaga kailangang laging pisikal na nasa opisina ang tao mo. Puwede naman  silang gumamit ng ibang paraan gaya ng Skype. Ako kasi, dahil na rin sa trapik, pumapayag ako ng work-from-home sa ibang empleyado. Nasa iyo naman ang desisyon kung sino ang akma rito. Ang alam ko, mas tumaas ang performance ng ilang empleyado gaya ng graphic designer o copywriter na ‘di nasasalang sa trapik para magtrabaho.

#2 Maliliit na Insentibo o Paraan ng Reward

May hangganan ang pagbibigay ng pera bilang insentibo sa mga tao. Minsan nga, may mga tao na nais lang magpalago ng kaalaman at ang pagpapadala sa seminar ay sapat na motibasyon. Ang iba naman, nais ng bonding activities gaya ng ‘Binondo Walk’ o simpleng pamamasyal lang kasama ng mga kapwa empleyado. Mag-eksperimento ukol dito.

#3 Pagbibigay ng Pagkakataong Magdesisyon

Minsan, nahihirapan ang isang empleyado na  intindihin ang sitwasyon ng mga boss kung sila mismo ay ‘di nakapag­dedesisyon gaya nila. Bigyan mo sila ng kaunting puwang para makapagdesisyon. Ito marahil ang tulong para lumawak ang kanilang kaisipan at lumabas ang mga ideya na makatutulong sa negosyo mo.

#4 Pagpapalaganap ng Creativity o Pagkamalikhain

Gaya ng nasabi ko, ang motibasyon ng isang emple­yado ay kulang dahil ‘di sapat ang oras at puwang para sa talent nito. Isali mo sila sa tinatawag na ‘Ideation Sessions’  o mga sesyon kung saan puwede silang lumikha ng mga ideya para sa negosyo mo.

#5 Patuloy na Bukas ang Komunikasyon

Habang lumalaki ang kompanya, nagkakaroon ng gap ang mga emple­yado. ‘Di dahil sa galit sila sa isa’t isa, kundi sadyang walang oras o kulang ang panahon para magkausap. Lalo nang mas mahirap ang komunikasyon kung puro email ang ginagawa nila. Buksan mo ang linya ng komunikasyon sa pamamagitan ng mas ma­raming miting. Mas personal ang komunikasyon, mas mainam.

#6 Simpleng Papuri

Maaaring simple ang tingin mo rito pero sa totoo lang, ‘di simpleng gawain ang pagpuri sa isang tao lalo na kung ang boss ay ‘di sanay rito. Ito ang dapat na pagtuunan ng pansin. Kung saan dapat may papuri, ibigay ito. Maging sensitibo sa sitwasyon. Minsan, umaalis ang isang magaling na tauhan dahil ‘di man lang napuri o kaya’y, inako ng boss ang papuri sa lahat ng ginawa ng team.

Gusto mong lumago ang negosyo mo? Ayusin ang mga programang magbibigay ng motibasyon sa mga tauhan mo.

o0o

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maia­ngat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected] o hana­pin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

Comments are closed.