ANIM na drug suspects na napasama sa drug watch list ng pulisya ang nasakote ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa magkahiwalay na buy-bust operation sa lungsod ng Pasay at Las Pinas nitong Miyerkules.
Sa Pasay City, kinilala ni police chief P/Col. Cesar Paday-os ang mga arestadong suspek na sina Ernesto Fernando, 59-anyos; Dennis Toledo, 46-anyos; Jovie Alejandre, 24-anyos at Andres Olarate, 60-anyos, pawang mga residente ng Pasay City.
Ayon kay Paday-os, matagumpay na naisagawang buy-bust operation ng SDEU dakong alas- 10 ng gabi sa Veloso Compound, Tramo St., Pasay City.
Nakumpiska sa isinagawang operasyon ang 1.6 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P10,880, drug paraphernalia, at improvised handgun o sumpak.
Dagdag pa ni Paday-os na nahaharap sa kasong illegal possession of prohibited drugs (RA 9165) at illegal possession of firearms and ammunition ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa SDEU custodial facility.
Sa Parañaque City, arestado rin sa isinagawang buy-bust operation ang mga suspek na sina Ramon Villoga, 38-anyos, residente ng Canada St., Tramo II, at ang kanyang nakababatang kapatid na si Mary Grace, 29-anyos ng Jordan St., na parehong nasasakupan ng Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Sinabi ni Paranaque City police chief Col. Maximo Sebastian na nasakote ang mga suspek sa ikinasang buy-bust operation sa bahay ni Ramon sa Canada St., Tramo II, Barangay San Dionisio, Parañaque City dakong alas-10:50 Miyerkules ng gabi.
Nakumpiska sa posesyon ng mga suspek ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Parañaque City police custodial facility habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 (illegal possession of ptohibited drugs) laban sa kanila. MARIVIC
FERNANDEZ