6 TULAK TIKLO SA BUY-BUST

BULACAN-Anim na drug pushers ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa magkakasunod na buy-bust ope­rations na ikinasa sa Meycauayan City, Paombong at San Rafael kamakalawa ng gabi sa lalawigang ito.

Ayon kay Col.Rommel Ochave, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang mga naarestong sina Kenneth De Leon alias Kulot ng Barangay Langka, Meycauayan City; Juvy Villanueva alias Jobs ng Tiaong, Guiguinto; Alvin Manese at Karylle Manese, kapwa taga-Mexico, Pampanga; John Robert Belmonte at Fernando Vendiola, kapwa ng Novaliches, Quezon City.

Nabatid sa ulat na u­nang nakorner ng mga tauhan ni Lt. Col. Leandro Gutierrez, Meycaua­yan City police chief ang suspek na si De Leon sa Barangay Langka, Meycauayan City at nakum­piskahan ito ng ilang pakete ng shabu at buy-bust money.

Sunod-sunod din na nagkasa ng drug-bust ang SDEU ng Paombong at San Rafael police kung saan nakorner ang lima pang drug suspects na nakadetine ngayon at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 matapos makumpiskahan ng kabuuang 20 pakete ng shabu at buy-bust money.

Dinala ang mga suspek sa Provincial Crime Laboratory sa Malolos City upang ipasailalim sa drug test at inaasahang marami pang drug peddlers ang madadakip ng Bulacan PNP sa susunod na mga araw bunga ng mas pinatinding kampanya laban sa droga sa Bulacan. MARIVIC RAGUDOS