60/40 JOINT EXPLORATION SA WEST PH SEA ALOK NG CHINA

west ph sea

HINIKAYAT ng Filipino Chinese businessman at pioneer ng hybrid rice farming ang pamahalaang Duterte na tanggapin ang inaalok ng bansang China na joint exploration sa pinagtatalunang karagatang sakop ng Filipinas na inaangkin din ng ilang kalapit na bansa.

Sa ginanap na media forum ng Samahang Plaridel sa Manila Hotel, sinabi ni Dr. Henry Lim Bon Liong, presidente ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCI) at CEO ng Sterling Paper Group & SL AgriTech na sayang ang mga panahong lumilipas na dapat sana’y napapakinabangan at pinagkakakitaan na ng Filipinas.

Ipinaliwanag ni Lim na mas makabubuti na ang alok ng China sa hatiang 60 porsiyento para sa Filipinas at 40 porsiyento para sa China kumpara sa nakatiwangwang lamang ang mga natural resources na dapat pinakikinabangan na ng mga Filipino.

Idinagdag pa ni Lim na ibinaba na ng China ang kanilang parte ng porsiyento dahilan sa respeto at goodwill sa pamahalaang Duterte sa mga nagdaang pagbisita nito sa China.

Aniya, mas maganda ang naturang offer kung ikukum­para noon sa Malampaya na may natural gas nang magkaroon ng kasunduan ang Filipinas at Amerika, na ngayon ay nalalapit nang maubos.

Dapat na aniyang tanggapin ito ng pamahalaan ang magandang pagkakataong ito kasunod ang pahayag na huwag munang pagtuunan ang isyu ng sovereignty at independence kundi hayaan na lamang na ang susunod na henerasyon ang lumutas ng isyu na ito. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.