BULACAN- Isang 60-anyos na security guard ang dinakip ng operatiba ng San Ildefonso police isinasagawang entrapment operation nang mang-extort at magbanta ito sa isang babaeng biktima na ipakakalat ang malalaswang litrato sa social media kapag hindi nagbigay ng pera sa Barangay Matimbubong, San Ildefonso ng lalawigang ito kamakalawa.
Sa report kay Col.Rommel Ochave, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang suspek na si Alfredo Peralta ng Barangay Tibagan, Bustos na nahaharap sa kasong kriminal matapos nitong pagbantaan ang biktima nito na ikakalat sa internet ang malalaswang larawan kapag tumanggi itong ibigay ang halagang hinihingi.
Nabatid na napilitang humingi ng tulong sa tanggapan ni Major Marvin V. Aquino,Chief of Police ng San Ildefonso Municipal Police Station ang biktima na itinago sa pangalang Maritess dahil hinihingan siya ng malaking halaga ng suspek kapalit ng malalaswang larawan nito.
Dahil dito, agad naglatag ng entrapment operation ang San Ildefonso police sa Barangay Matimbubong, San Ildefonso at matapos tanggapin ng suspek sa kanyang biktima ang perang hinihingi nito ay kaagad itong dinamba ng mga awtoridad at kinumpiska ang cellphone nito na sinasabing naglalaman ng lewd photo ng biktima.
Nahaharap sa kasong Violation of Article 282 Grave Threat in relation to Section 6 of RA 10175 other known as the Cybercrime Prevention Act of 2012 ang suspek.
Hinihinalang dating magkarelasyon ang suspek at biktima kaya may hawak na malalaswang larawan ito.
MARIVIC RAGUDOS