CEBU-NABULILYASO ang tangkang pagpupuslit ng 60 bulto ng used clothing o “ukay-ukay” na itinago sa shipment ng household goods at personal effects sa isinagawang masusing inspection ng mga personnel ng Bureau of Customs-Port of Cebu nitong nakalipas ng Linggo.
Napag-alamang naka-consigned ang imported shipment sa isang residente sa lalawigan ng Masbate kung saan isinailalim sa beripikasyon dahil sa inisyal na inspection at X-ray ay may kahina-hinalang imahe.
Muling isinailalim sa physical examination ang shipment sa pangunguna ng pinagsanib na Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service, X-Ray Inspection Project Team, Phil. Drug Enforcement Agency at Chamber of Customs Brokers, Inc. Cebu Chapter.
Lumilitaw na ang 60 bales ng used clothing o “ukay-ukay” ay nasa loob na likuran ng container van para hindi mapuna habang ang mga lehitimong household goods at iba pa ay nakaposisyon sa harapan upang itago ang kontrabando.
Kaagad na nag-isyu si District Collector Charlito Martin Mendoza ng Warrant of Seizure and Detention laban sa nasabing shipment dahil sa paglabag sa Section 1400, 118, at 1113 (F), (I), at (L) ng Customs Modernization and Tariff Act, na may kinalaman sa RA No. 4653.
Base sa direktiba ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ang Port of Cebu ay nagpapatuloy ang anti-smuggling operation sa mga shipment na naglalaman ng prohibited goods na ginagamitan ng iba’t ibang estilo. MHAR BASCO