60 DAYS!

Magkape Muna Tayo Ulit

‘YAN ang mahiwagang kautusan ni Pangulong Duterte upang linisin ang mga lansangan na kinuha ng mga pasaway nating kababayan na namihasa sa kapabayaan ng mga dating opisyal ng ating gob­yerno.

Sa totoo lang, ang kasalukuyang sitwas­yon ng ating lipunan ay resulta ng dekadang kapabayaan ng mga nakaraang administras­yon. Mas inatupag nila ang pamumulitika, korupsiyon at makasari­ling kapangyarihan. Nawala ang tunay na pagiging makabayan kung saan ang dapat unahin ay ang bayan at hindi ang sarili.

Sa ilang dekada, lumakas ang boses ng mga militanteng grupo dahil inabuso nila ang maling pagkakaintindi sa diwa ng salitang demokras­ya at kalayaan. Kaya naman gamit ng mga militanteng grupo ang lakas ng loob at kapal ng mukha na gamitin ang salitang bayan muna sa kanilang adyenda. Ito ay ang batikusin at pabagsakin ang kahit na kaninong administrasyon sa ating gobyerno. Welga rito, rally diyan, alang-alang kuno sa bayan muna. Haaaay.

Pasok ngayon si Duterte na may kamay na bakal upang iwasto ang mga maling nakagawian ng ilan sa ating mga lokal na pamahalaan. Nagbaba siya ng utos sa DILG na sa loob ng 60 na araw ay dapat linisin ang mga lansangan na pinutakti ng mga vendor, istruktura, sasakyan, at iba pang aktibidades na ilegal na nakapuwesto at nakatayo sa mga lokal na pamahalaan. Kapag hindi raw tumugon ang mga mayor ay maaari silang suspendihin at imbestigahan ng DILG kung sangkot sila sa mga ilegal na gawain at korupsiyon.

Kaya naman agarang sumunod ang mga mayor ng Metro Manila, kasama ang MMDA at PNP na magtulungan upang matupad ang kautusan ni Duterte.

Mabuti naman at karamihan sa mga nahalal na mayor ng Metro Manila ay hindi na trapo o traditional politician. Hangad nila ng tunay na pagbabago sa kanilang lungsod upang ayusin at pagandahin. Kabilang sa mga ito sina Manila Mayor Isko Moreno, Pasig City Mayor Vico Sotto, San Juan City Mayor Francis Zamora at Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Ramdam ko ang alab sa kanilang puso na ituwid ang mga kamalian ng mga pinalitan nila sa puwesto. Kaya naman tila nahahawa o maaa­ring makiisa na rin ang ibang mayor sa mga adhikain ng tunay na pagbabago.

Noong isang araw ay nagbigay ng pahayag ang lahat ng Metro Manila mayors na tinatanggap nila ang hamon na sa loob ng 60 days ay magagawa nila ang kautusan ni Duterte. Ang pakikiisa ng MMDA at PNP ay magbibigay ng sapat na puwersa upang ipatupad ito.

Kaya naman hintayin natin ang ika-25 ng Setyembre pagkatapos ng 60 days o dalawang buwan, kung totoong kaya nila ang hamon na ito.

Comments are closed.