IBINABA na kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 60 days ultimatum sa local government units (LGUs) para linisin at ibalik ang lahat ng mga kalsada sa taumbayan, base sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kahapon, matapos ang ginanap na pulong ng DILG, MMDA, PNP at mga alkalde ay ipinag-utos ni DILG Secretary Eduardo Año na sa loob ng 60 araw ay kailangang malinis na ang lahat ng mga pangunahing kalsada lalo na sa Kalakhang Maynila.
“Preventive suspension ay dalawang buwan habang umaandar ang imbestigasyon and depende kung ano ang lalabas kung six months o one year. Depende iyan sa magnitude ng hindi niya pagsunod sa memo circular,” paliwanag ni Año.
Ilan sa mga lungsod sa Metro Manila ang nagsimula nang maglinis ng mga pangunahing kalsada sa kanilang mga nasasakupan upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko. Kabilang dito ang Maynila at San Juan.
Ayon kay MMDA Chairman Danny Lim, kaisa sila sa pagpapatupad ng mga hakbang na ito at malaki ang magiging epekto nito sa pagpapaluwag ng trapiko sa EDSA.
Nagbigay rin ng suporta si NCRPO Chief Police Major General Guillermo Eleazar at sinabing magdadagdag sila ng kapulisan na roronda sa gabi at sisiguruhing hindi malulusutan ang implementasyon nito.
Sinang-ayunan din niya ang suhestiyon ni Manila Mayor Isko Moreno na bigyan ng accountability ang lahat ng sangay ng gobyerno — LGU, barangay, pulis at kung hindi matagumpay na maipatutupad ang paglilinis ng mga kalsada, lahat ay mahaharap sa suspension o pagkakatanggal sa posisyon. PAULA ANTOLIN, VERLIN RUIZ
Comments are closed.