NOONG nakaraang linggo, naging ulo ng mga balita ang biglang pagtaas umano ng bilang ni VP Leni Robredo bilang pinaka- hinahanap o sine-search sa Google laban sa mga ibang kandidato sa pagka-pangulo.
Marami ang nagsasabi na dahil sa paglakas ng social media sa ating bansa, magandang batayan itong tinatawag nilang ‘trending’ sa Google search kung saan nangunguna nga si VP Robredo.
Dagdag pa rito ay ang kabi-kabilang balita at larawan ng campaign rally ng kampo ni VP Leni na dinadagsa ng mga tao. May nagsasabi na humigit kumulang 50,000 ang dumalo sa kanilang rally sa Cavite noong ika-6 ng Marso. Sa Iloilo naman noong huling linggo ng Pebrero, may mga 40,000 daw ang nakilahok sa nasabing rally. 45,000 naman daw ang nagpakita ng suporta sa kampanya ni Robredo sa Bulacan kamakailan. Ang lahat ng mga ulat na ito ay nanggaling sa Philippine Daily Inquirer, Rappler at Manila Bulletin.
Talaga namang mapapaisip ang ilan sa atin na tila nagbabago na ang ihip ng hangin sa ating presidential elections at unting-unting pumapabor na kay VP Leni….puwede!
Subalit kahapon, lumabas ang pinakahuling ulat ng Pulse Asia sa kanilang survey na isinagawa noong ika-18 hanggang 23 ng buwan ng Pebrero ngayong taon. Lumalabas na hindi nagbago ang lamang ni BBM bilang napipisil ng karamihan sa mga Pilipino bilang susunod na pangulo ng ating bansa.
Ikalawang buwan na ito na hindi nagbabago, ayon sa Pulse Asia.
Si VP Leni Robredo ay pumapangalawa pa rin na may 15% (bumaba ng 1%) at sinundan ni Manila Mayor Isko Moreno na may nakuhang 10% (umakyat ng 2%). Si Sen. Manny Pacquiao naman ay may 8% (walang pagbabago) at bumaba pa ang survey rating ni Sen. Ping Lacson at nakakuha lamang ng 2% mula sa 4% noong nakaraang buwan na resulta ng survey na isinagawa ng Pulse Asia.
Ayon sa Pulse Asia, napakalaki ng lamang ni Marcos sa Mindanao na may 68% at sa National Capital Region (NCR) na may 66%.
Subalit malakas pa rin ang paniniwala ng kampo ni VP Leni na ang pinakahuling survey ng Pulse Asia ay hindi naisama ang sinasabi ko nga na mga sunod-sunod umano na malalaking rally na isinagawa nila sa Butuan, Cavite, Iloilo, Isabela, Bulacan at sa mga iba pang lugar na pupuntahan nila sa natitirang mahigit isa’t kalahating buwan ng pangangampanya.
Dagdag pa ng tagapagsalita ni VP Robredo na si Barry Gutierrez na “With this clear momentum from the people’s campaign — reflected both in the massive rallies as well as in online metrics — we are confident that the next 56 days will culminate in an election day victory for Leni Robredo,”. Yown!
Sabi ko nga sa nakaraang paksa ko sa aking kolum, hindi biro ang malaking lamang ni BBM kontra kanyang mga katunggali sa nalalapit na eleksiyon. 60% ang lamang niya. Ang natitirang 40% ay pinag-aagawan nina VP Leni, Mayor Isko, Sen. Pacquiao at Lacson. Isama pa na natin ang mga ibang kandidato sa pagka-pangulo na alam naman natin walang pag-asang manalo tulad nina Ka Leody De Guzman, Faisal Mangondato, Jose Montemayor, Ernie Abella, at Norberto Gonzales na hindi man lang pumapalo sa 1% sa survey.
Ay! Mayroon nga palang maaaring paghugutan ng dagdag bilang ng boto. Ang 4% na hindi pa nakapagdedesisyon kung sino ang iboboto bilang pangulo sa susunod na eleksiyon. Pero hindi pa rin ito kasiguraduhan na panalo na si BBM. Kailangan ay hintayin pa rin natin ang pinal na husga at boses ng sambayanan kung sino sa kanila ang susunod na Pangulo ng Pilipinas.
Ayon sa Pulse Asia survey, may ± 2% error of margin at may 95% confidence level ang isinagawang survey.