TINATAYANG nasa 60 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Navotas City, Miyerkoles ng madaling araw.
Ayon sa ulat, dakong alas-4 ng madaling araw nang bigla na lamang sumiklab ang sunog sa isa sa mga kabahayan sa Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN).
Mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang mga gawa sa light materials ang magkakadikit na mga kabahayan kung kaya kani-kanyang hakot ng maaring maisalba na mga gamit ang mga residente.
Bahagya namang nahirapan ang mga bombero sa pag-apula ng apoy dahil sa makikitid ang kalsada papasok sa lugar at sa gitna na bahagi nagsimula ang sunog na umabot sa ikalimang alarma at tuluyang naapula matapos ang higit isang oras.
Nasa 30 kabahayan ang tinupok ng apoy habang wala namang napaulat na nasawi o nasaktan sa insidente samantalang tinatayang nasa P300,000 halaga ang naging pinsala sa ari-arian ng sunog.
Dahil sa insidente, napasugod sa naturang lugar si Mayor John Rey Tiangco kung saan napaakyat pa ito sa bubong ng mga kabahayan para makita ang naging pinsala ng sunog habang agad namang inatasan ng alkalde ang mga kawani ng CSWD para magdala ng mga pangunahing tulong sa mga residenteng naapektuhan ng sunog kabilang ang pagkain, tubig, mga kumot at banig. EVELYN GARCIA
Comments are closed.