(60 pulis nasaktan sa pagsisilbi ng warrant kay Quiboloy) KASONG KRIMINAL VS 29 MIYEMBRO NG KOJC

NASA 29 miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang posibleng mahaharap sa kasong kriminal bunsod ng kaguluhang naganap sa kasagsagan ng law enforcement operation kaugnay sa tangkang pag aresto kay Pastor Apollo Quiboloy.

Sa ulat ng PNP Police Regional Office (PRO) 11, may 60 pulis ang reported injured sa pagsisilbi ng arrest warrants laban sa  puganteng pastor na hinihinalang nagtatago sa loob ng compound ng KOJC.

Sa pulong balitaan, sinabi ni PRO 11 spokesperson Major Catherine dela Rey na inihain ang mga reklamong obstruction of justice at direct assault laban sa KOJC members.

“Meron tayong nakasuhan na 29 na KOJC members…And currently ‘yung iba, nasa Davao City Police Office custodial facility po sila. ‘Yung update sa akin kahapon, they are processing for their bail,” ani Dela Rey.

“Assorted cases—’yung iba dalawang case na obstruction of justice and direct assault, ‘yung iba obstruction of justice lang,” dagdag pa nito.

“Sa part ng PNP, based sa record ng regional medical and dental unit, meron na pong 60 na sugatan na PNP members. And then meron ka­ming na-cater na dalawang members ng KOJC na na-treat namin,” ani Dela Rey.

Nagpapagaling na ang nasa 60 pulis na nasaktan sa operasyon subalit wala pang tugon ang KOJC kaugnay nito.

Matatandaan na anim na araw nang namamalagi ang mga pulis sa compound ng KOJC sa pag-asang mahuhuli na ang nagtatagong si Quiboloy  at  4 pang kapwa akusado nito.

Ilan sa tama ng mga pulis ay sa ulo, leeg, sugat sa nose bridge, sa mukha, paa, kamay at knee injury.

Patuloy naman ang panawagan ng Pambansang Pulisya sa mga taga-suporta ni Quiboloy na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan upang maiwasan ang sakitan.

VERLIN RUIZ