60 PWUDs NAGTAPOS SA NAVOTAS REHAB PROGRAM

NASA 60 persons who used drugs (PWUDs) ang nagtapos sa Bidahan, ang community-based treatment and rehabilitation program (CBDRP) ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas.

Kasama sa Bidahan ang anim na buwan ng Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) at isa pang anim na buwang aftercare.

Kasama sa batch ng rehab completers ang 20 mula sa primary care program ng lungsod at 13 mula sa barangay CBDRP, habang 27 ang natapos na aftercare program.

Sa ilalim ng programa, ang mga kalahok ay dumaan sa isang serye ng lingguhang psychoeducation lectures, counseling sessions, group therapy sessions, relapse prevention sessions, at life skills training.

Sumasailalim din sila sa random drug testing upang matiyak ang kanilang pagsunod sa programa.

Pinuri ni Mayor John Rey Tiangco ang mga kalahok sa pagpapasya na talikuran ang kanilang bisyo at gumawa ng bagong buhay para sa kanilang sarili at kanilang pamilya.

Bukod sa Bidahan, nagpapatupad din ang pamahalaang lungsod ng mga karagdagang programa para palakasin ang kampanya laban sa droga. Kabilang dito ang drug awareness at prevention lectures sa mga estudyanteng Navoteño; random at mandatory drug testing para sa mga empleyado ng city hall at barangay, mga benepisyaryo ng programa, at iba pa; at drug-clearing ng mga barangay.

Mula noong 2023, 13 sa 18 barangay sa Navotas ang idineklara nang drug-cleared ng Philippine Drug Enforcement Agency. EVELYN GARCIA