SA harap ng simbahan ng Our Lady of the Most Holy Rosary Parish sa bayan ng Rosario, Cavite may isang taong kilala dahil sa kanyang panindang kandila.
Si Melchor Dimafelix Villanueva o mas kilala sa katawagang “Tangkad”, 44- anyos, may asawa at tatlong anak na pawang mga babae.
Limang taon pa lamang siya ay nagtitinda na siya ng kandila sa harapang bahagi ng simbahan. Kasa-kasama ang kanyang ina na si Nanay Teresita Baysa na namayapa noong isang taon sa edad na 71.
“Mabait talaga yan si Tangkad… Araw-araw ko iyang nakikita. Kahit sinong matatanda na makita niya na hirap maglakad ay inaaalalayan niya hanggang makapasok ng simbahan. Kung minsan sinasalubong na niya sa sasakyan para akayin ang matanda”, isang patotoo ng traffic enforcer na si Nelson Morabe.
Hindi basta kandila ang kanyang itinitinda, kundi isang kandila na may iba’t ibang angulo ng paniniwala at bisa.
Kandila para sa pamilya, pasasalamat, kahilingan para sa kaluluwa, babae man o lalake.
“Sobrang napamahal na talaga itong simpleng kabuhayan namin. Mula pa noong 1964 sa Lola Dionisia ko ay nandito na kami. Walang ibang nagtitinda ng kandila dito sa harap ng simbahan kundi kami lang. Siguro hangga’t nabubuhay ang pamilya namin, magiging parte na ng bawat deboto ang kandila naming tinda”, kuwento ni Tangkad.
Alas-tres pa lamang ng madaling araw ay nakapuwesto na siya sa harap ng simbahan, naghihintay ng mga deboto ng milagrosang Mahal na Birhen ng Sto. Rosario.
“Sipag at tiyaga at pagdarasal ang lagi kong gabay sa araw-araw. Kasama ang aking asawa at tatlong anak na babae”, dagdag pa ni Tangkad.
Bente pesos bawat isa ang halaga ng kanyang tindang kandila. Sisindihan na may kasamang dasal at pighati.
Ang pagtitinda ng kandila ay nagmula pa sa kanyang Lola Dionisia Maralang, na nagsimula pa noong taong 1964.
SID SAMANIEGO