600 KILO NG ISDANG HULI SA DINAMITA NAKUMPISKA

DYNAMITE FISH

PUERTO PRINCESA CITY – Kinumpiska ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang 12 kahon na may lamang nasa 600 na iba’t ibang isda sa cargo area ng paliparan ng Puerto Princesa nitong Lunes.

Sa airport mismo ay sinuri ang mga isda at nakumpirmang nahuli ito sa pamamagitan ng dinamita. Nakakuha ang awtoridad ng tip mula sa isang source, ayon kay Krismon Almonte, ang Quarantine Inspector Officer ng paliparan.

Pagmamay-ari ng shipper na si Susan Magdatu ang mga isda mula sa bayan ng Roxas pero hindi raw nito alam na ilegal ang pagkakahuli sa mga ito.

Pero dahil mayroon pa rin itong paglabag ay kinumpiska ang mga isda at ibinigay sa BFAR habang kakaharapin ni Magdatu ang kasong paglabag sa Fisheries Code.

Payo ng BFAR sa mga shipper, kilatising mabuti ang mga isda at huwag bibilhin kung malalamang huli sa ilegal.

Hinihikayat din ang mamamayan na agad magsumbong sa awtoridad kung may nakikitang gumagamit ng dinamita sa pangingisda.

Comments are closed.