NASA 605 lugar pa sa bansa ang nakasailalim sa granular lockdown dahil sa pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na apektado nito ang may kabuuang 744 households na binubuo ng may 1,233 indibidwal.
Nabatid na ang Cordillera Administrative Region (CAR) ang nakapagtala ng pinakamaraming lugar na nasa ilalim ng granular lockdown, na umabot sa 384.
Sumunod naman ang Ilocos Region na may 130 lugar na naka-granular lockdown pa rin at Cagayan Valley na may 77 lugar.
Samantala, sa National Capital Region (NCR), anim na lugar na lang ang naka-granular lockdown pa rin.
Sinabi naman ni Año na ang magandang balita ay patuloy na bumababa ang mga naitatalang bagong kaso ng sakit.
Tiniyak din ng DILG chief na agad silang aaksiyon sakaling magkaroon muli ng transmission o hawahan ng virus sa mga komunidad. EVELYN GARCIA