ANG lungsod ng Parañaque ay nakapamahagi na ng kabuuang 60,000 family food packs sa mga residente ng siyudad habang patuloy pa rin ang pagre-repack ng mga ipamimigay na ayuda ng lokal na pamahalaan sa mga hindi pa nakatatanggap.
Humihingi ng kooperasyon si Mayor Edwin L. Olivarez at nakikiusap din ang alkalde sa mga taga-Parañaque na dagdagan pa ng kaunti ang kanilang tiyaga sa paghihintay lalo na sa mga hindi pa nakatatanggap ng ayuda sa lokal na pamahalaan dahil nagkakaroon sila ng problema sa suplay ng mga nilalaman ng mga food packs.
Ayon kay Olivarez, kinakailangan lumabas pa ng lungsod ang team ng General Services Office na siyang namamahala sa pagbili ng mga basic commodities na nilalaman ng mga ipinamimigay na food packs.
Gayunpaman, sinabi ni Olivarez na patuloy na ginagampanan ng mga volunteers na nagsisilbi ring frontliners ng lungsod ang repacking ng mga family food packs.
Kasabay nito, sinabi rin ni Olivarez na inihahanda na rin ng lokal na pamahalaan ang mga cash voucher para sa mga jeepney at SUV drivers na naninirahan sa lungsod.
Ani Olivarez, bukod pa sa mga ipinamamahaging food packs ay makatatanggap din ng halagang P1,000 cash vouchers ang bawat miyembro ng mga tricycle operators and drivers association (TODA), gayundin ang mga kasapi ng pedicab operators and drivers association (PODA) at mga jeepney at SUV drivers sa lungsod.
Samantala, dagdag pa ni Olivarez na ang mga cash vouchers at food packs naman na ipamamahagi sa mga senior citizen at mga persons with disability (PWD) ay ipadadala at matatanggap mismo sa kanilang mga tahanan. MARIVIC FERNANDEZ