60M PINOY LUMIIT ANG KITA

IBON FOUNDATION

LUMIIT ang kita ng nasa 60 milyong Filipino dahil sa epekto ng mabilis na inflation sa unang bahagi ng 2018.

Ayon sa IBON Foundation, naglalaro sa P9,932,715 ang nawalang kita ngayong taon dahil sa inflation na pumalo sa 5.7 percent noong Hulyo.

Ito ay mas mataas sa 5.2% na naitala noong Hunyo at pinakamabilis na inflation rate sa loob ng limang taon. Ito rin ang ika-7 sunod na buwan na tumaas ang inflation, o magmula nang maitala ang 4.0 percent noong Enero.

Kabilang sa dahilan ng pagsipa ng inflation ang paghina ng piso laban sa dolyar, tumataas na presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at ang ipinatutupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), sumipa ang presyo ng mga pagkain tulad ng karne (5.8%), isda (11.4%), gulay (16%);  sugar jam at iba pang pagkaing may asukal na nagtala ng 7.4%.

Ang inflation rate sa National Capital Region (NCR) ay bumilis sa 6.5 percent noong Hulyo mula sa 5.8 percent noong Hunyo at 2.9 percent noong Hulyo 2017.

Gayunman, nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pansamantala lamang ang mataas na inflation rate.

Ayon kay BSP Gov. Nestor Espenilla, tataas pa ang inflation rate hanggang sa mga huling buwan ng 2018 subalit bababa ito pagsapit ng 2019.

Ani Espenilla, babalik sa forecast na 2% hanggang 4% ang inflation rate dahil na rin sa ilang adjustments na nagiging dahilan ng pagtaas ng inflation.

Comments are closed.