61 LUGAR SA NCR NASA GRANULAR LOCKDOWN

BUMABA pa ang bilang ng nasa granular lockdown sa Metro Manila.

Mula sa dating 74, nasa 61 na lamang ang lugar na nasa granular lockdown sa Metro Manila, batay sa datos ng Philippine National Police (PNP).

Ang mga apektadong lugar ay nasa loob ng 47 barangays na kinabibilangan ng 36 bahay, 16 residential buildings, apat na kalsada at limang subdibisyon.

Ayon sa PNP Public Information Office, ang nasabing local government units (LGUs) ay may kapangyarihang magpatupad ng lockdown.

Layunin nito na matiyak ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health standards kaya naman nag-deploy ang PNP ng 236 personnel at 202 force multipliers sa apektadong lugar.

Sinabi naman ni Metro Manila Council (MMC) head Edwin Olivarez na ang presensiya ng isang COVID-19 case ay sapat na para i- lock down ang isang bahay o condominium floor.

Para mai- lockdown ang buong kalsada, dapat ay mayroong dalawang COVID-19 cases.
EUNICE CELARIO