62-ANYOS NA NAPALAYA NG GCTA LAW SUMUKO

Sumuko

LAGUNA – SUMUKO sa pulisya ang 62-anyos na lalaki na may kasong murder matapos  makalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance  (GCTA) Law sa bayan ng Rizal.

Kasama ng suspek na si Eddie Isleta y Sombilla ang kanyang bunsong anak na babae at si Rizal, Laguna Ex-Mayor Rolen Urriquia nang sumuko kay Rizal, Laguna Chief of Police PCapt. Lindley Tibuc dakong alas-8:00 ng umaga.

Batay sa ulat, lumilitaw na napiit noong nakaraang taon 1991 sa lungsod ng Lucena ang suspek bago pa ito inilipat sa National Bilibid Prison (NBP) at ang huli sa Iwahig Penal Colony kung saan doon ito ginawaran ng pardon dahil sa GCTA noong nakaraang buwan.

Dahil dito naging madamdamin ang pagtatagpo ng kanyang bunsong anak na babae sa himpilan ng pulisya dahil sa loob ng mahigit na 30 taon silang hindi nagkita ay muli silang magkakahiwalay ng dahil sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na agarang sumuko sa awtoridad ang lahat ng mga preso na ginawaran ng naturang batas sa loob ng 15 araw.

Kaugnay nito, nananawagan naman si Isleta kay Pangulong Duterte na sana matulungan ito sa kanyang kaso at ng makapagbagong buhay kasama ang kanyang pamilya.

Samantala, sinabi ni Tibuc na nakatakdang ilipat sa pangangalaga ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BUCOR) ang suspek sa lalong madaling panahon kung saan hindi napigilan na pumatak ang kanyang luha kabilang ang bunso nitong anak na babae dahil edad tatlong taong gulang pa lamang aniya ito ng mapiit ang kanyang Ama ng dahil lamang umano sa pagtatanggol sa kanyang sarili. DICK GARAY

Comments are closed.