ANG Pamahalaang Lungsod ng San Juan sa pangunguna ni Mayor Francis Zamora, katuwang ang Greenhills Mall, ay nagsagawa ng Mega Job Fair nitong Oktubre 11, 2022 sa bagong bukas na Lifestyle Annex, Greenhills Mall.
Nasa 62 kompanya mula sa Greenhills Mall ang sumali sa job fair kasama ang mga restaurant, retail store, employment agencies, car accessories shops, jewelry stores, bookstores, bangko, eyewear shops, at health and beauty clinics.
Si Mayor Francis Zamora, kasama ang mga opisyal ng lungsod at mga pinuno ng Greenhills Mall ay personal na nagmasid sa job fair.
“We are very happy that we have this partnership with Greenhills Mall. Bahagi ng ating programa sa ating Makabagong San Juan ang pagbibigay ng oportunidad sa trabaho sa bawat San Juaneño na nangangailangan nito,” ani Mayor Zamora.
Magiging one-stop shop din ang mega job fair para sa mga naghahanap ng trabaho dahil ang mga partner agencies mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Social Security System (SSS), Bureau of Internal Revenue (BIR), PhilHealth, at PAGIBIG Fund ay mayroon ding mga booth upang magbigay ng tulong.
“Ang mega job fair na ito ay inuna ang mga San Juaneño dahil lubos nating ipinatutupad ang ating “San Juaneño First Policy” kung saan binibigyan natin ng prayoridad ang mga residente ng San Juan na makapagtrabaho sa mga negosyo sa San Juan. Sa pamamagitan nito, hindi mabibigatan ang ating mga residente sa mahabang oras ng paglalakbay patungo sa kanilang pinagtatrabahuan at ito ay magbibigay pa sa kanila ng pagkakataong makatipid sa mga gastusin sa transportasyon.
Magkakaroon din sila ng mas maraming oras upang magpahinga na magpapataas ng kanilang kahusayan. Ito ay magbibigay-daan sa kanila na gumugol din ng mas maraming oras sa kanilang mga pamilya.” dagdag ni Mayor Zamora.
Samantala, available rin ang Public Employment Service Office (PESO) ng lokal na pamahalaan upang tumulong sa mga naghahanap ng trabaho tuwing Lunes hanggang Biyernes sa San Juan City Hall. Bahagi ng kanilang pangunahing programa ay upang itugma ang mga kakayahan ng mga indibidwal sa mga kumpanyang may mga bakanteng trabaho upang matulungan silang makakuha ng disenteng trabaho sa pamamagitan ng LGUs digital skills registry.