63 FARMERS, MAY ARI NA NG LUPA

ANIMNAPU’T tatlong agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang naging mga may-ari ng lupa nang makatanggap ng may kabuuang 65-ektaryang lupain mula sa Department of Agrarian Reform sa Negros Occidental.

Sa kabuuang 63 ARBs, 47 na ngayon ang may-ari ng 49.85-ektaryang lupain na dating pinamamahalaan ng Vasquez Development Corporation na matatagpuan sa Barangay Old Sagay, habang 16 ARBs ang tumanggap ng 15.43-ektaryang lupain na dating pag-aari ni Joffre Dela Paz sa Barangay Bulanon.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Atty. Sheila Enciso, DAR Western Visayas Director, na ang pamamahagi ng certificates of land ownership award (CLOA) sa mga ARB ay nangangahulugan ng kanilang buong pagmamay-ari sa lupang kanilang binubungkal.

“Mayroon na kayong mga lupain ngayon at ito ang magandang paraan upang magsimulang muli. Pagyamanin ninyo ang lupain at gawin itong instrumento upang mapaunlad ang inyong mga pamumuhay,” aniya sa mga ARB.

Sinabi pa niya na ang aktibidad ay nakaangkla sa layunin ng ahensiya na mabigyan ng lupa ang mga magsasakang walang lupain, garantiyahan ang kanilang seguridad sa lupa, maghatid ng social equity at magkaloob ng mga suportang serbisyo.

Idinagdag ni Enciso na ang aktibidad ay naaayon sa siyam na pangunahing layunin na tinukoy ni DAR Secretary Conrado Estrella III para sa susunod na anim na taon, partikular sa interbensyon sa mga problema sa pagmamay-ari ng lupa.

Pinaalalahanan naman ni Mart Deraja, municipal agrarian reform program officer, na nanguna sa simpleng installation rites, ang mga ARB sa kanilang mga responsibilidad bilang may-ari ng mga lupain sa pamamagitan ng pag-aalaga sa nasabing asset at pagtiyak na ito ay magbubunga ng magandang ani.

Ibinunyag ni Deraja na ang aktibidad ay sumunod sa community quarantine measures na itinakda ng the Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at ng Department of Health.

“Ang ganitong mga aktibidad ng DAR ay patunay na kahit maraming hadlang na dala ang pandemya, ang serbisyo para sa mga Pilipino ay patuloy pa rin,” aniya. BENEDICT ABAYGAR, JR.