63% NI BONGBONG, BANDERA SA LAYLO RESEARCH SURVEY

PUMALO pa sa napakataas na 46% ang lamang ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. laban sa kanyang malayong karibal sa karerang pampanguluhan, ayon sa survey ng Laylo Research na isinagawa mula Pebrero 14 hanggang 21, 2022.

Ito’y matapos magtala si Marcos ng solidong 63% na voter preference mula sa 3,000 respondents sa survey. Patunay na suportado ng mayorya ng mga Pilipino ang kanyang kandidatura, dahil 6 sa 10 botante ang pinili siya kumpara sa ibang kandidato.

Samantala, si Marcos ay namantine ang milya-milyang layo kay Leni Robredo, na nakakuha lamang ng 17%.

Tabla naman sa ikatlong puwesto na may tig-pitong porsiyento sina Isko Domagoso at Manny Pacquiao, na sinundan ni Sen. Ping Lacson na may tatlong porsiyento.

Nangibabaw rin si Marcos sa mga lugar na may malaking bilang ng mga botante matapos makakuha ng mataas na voter preference sa NCR-61%, North/Central Luzon-80%, South Luzon/Bicol-48%, Visayas 53%, at Mindanao na may 71%.

Kung titingnan din ang voter preference kada rehiyon, makikitang suportado ng tinaguriang Solid North voting bloc si Marcos dahil sa taas ng mga nakuha niyang boto na 80% sa North/Central Luzon, 86% sa Cordillera Administrative Region (CAR), 91% sa Ilocos, at 98% sa Cagayan Valley.

Kabilang sa mga pangunahing dahilan kung bakit mas pinili ng mga respondent si Marcos kaysa sa iba pang mga kandidato ay ang kanyang natatanging karera sa serbisyo publiko, ang kanyang mga tagumpay bilang lokal na punong ehekutibo ng Ilocos Norte, at ang kanyang katalinuhan na nagpapakita ng malinaw na pagkaunawa sa mga isyu.

Ayon pa sa ilang eksperto sa pulitika, maituturing na ‘teflon’ candidate si Marcos Jr. dahil nananatiling mataas ang kanyang numero sa mga survey sa gitna ng walang humpay na batikos mula sa iba pang presidential bets.

Nauna nang sinabi ng UniTeam na hindi ito makikibahagi sa negatibong pangangampanya, isang pangako na tinutupad nito hanggang ngayon sa kabila ng patuloy na pag-atake ng mga kritiko.

Sa halip, pinaigting ni Marcos at ng kanyang running-mate na si Inday Sara ang kanilang panawagan para sa pagkakaisa ng mga Pilipino habang naghahanda ang bansa upang makabangon mula sa pandemya.

Umapela rin si Marcos sa lahat na sumali sa ‘Kilusan ng Pagkakaisa’ bilang isang paraan para sa mga Pilipino na makibahagi sa pagpapatatag ng bansa.

Naniniwala rin sina Marcos at Inday Sara na ang pagkakaroon ng pagkakaisa ng mga Pilipino ang unang hakbang tungo sa tuluyang pagbangon at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Nauna nang sinabi ng UniTeam na itutuloy nila ang ilang programang nasimulan na ng kasalukuyang administrasyong Duterte, partikular ang Build, Build, Build infrastructure program.

Dagdag pa rito, binanggit ni Marcos ang pangangailangang magkaroon ng matatag na digital infrastructure na magbibigay-daan sa digital shift ng bansa at gagawing episyente ang paghahatid ng mga serbisyo sa mga tao.

Isinusulong rin niyang madagdagan ang suporta para sa mga micro, small at medium enterprises (MSMEs) upang matulungan silang mabilis na makabangon mula sa pandemya.

Isa rin si Marcos sa mga nagsusulong sa muling pagbuhay sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagtutok sa pananaliksik at pagpapaunlad, suportang pinansyal sa mga magsasaka, pagsasaayos ng supply chain, at pagpapabuti ng pamamahagi ng mga produktong agrikultural.

Ayon rin sa mga political analyst, maaari pang umakyat ang numero ng UniTeam sa mga surveys lalo’t nalalapit nang magsimula ang lokal na pangangampanya ngayong Marso.

Inaasahang tataas ang suporta kina Marcos at Inday Sara sa tulong ng mga lokal na kandidatong kabilang sa koalisyon na tutulong i-promote ang UniTeam slate sa kanilang mga lugar.

Patunay rin ang resulta ng Laylo Research survey na matibay ang pangunguna ni Marcos sa karerang pampanguluhan at mapapansin rin ang pataas ang kanyang mga numero base na rin sa mga naunang survey ng OCTA Research, SWS, Pulse Asia, Publicus Asia, at Kalye surveys.