63 UNDOCS PINOY MULA MALAYSIA NAHARANG NG PCG

PCG

BASILAN – HINARANG ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 63 Filipino na sakay ng local inter-island vessel sa baybaying sakop ng Basilan sa Mindanao dahil sa kakulangan ng dokumento at umano’y pagiging illegal aliens mula sa Malaysia.

Sa nakarating na ulat sa PCG-Manila mula kay Zamboanga City Coast Guard Station chief Lt. Commander Noriel Ramos, may biyaheng Zamboanga City mula Isabela, Basilan ang M/L Hapidz nang maharang ng coast guard.

Nabatid na agad umaksyon ang PCG Zamboanga Station nang makatanggap ng mensahe sa radyo kaugnay sa ‘di madeterminang bilang ng pasahero lulan ng M/L Al Hapidz na pina­ngungunahan ni Captain Jawadi Adjilani habang papadaong ito sa PMI wharf sa Baliwasan seaside, Zamboanga City.

Ayon kay Ramos, nagtulong na magsagawa ng inspeksyon ang grupo ng  PCG Zamboanga kasama ang K9 Unit ng PCG Southwestern Mindanao sa ilalim ng pamumuno ni Captain Joseph Coyme at sa koordinasyon ng Joint Task Force Zamboanga at Zamboanga City Police Office.

Dinala naman ang mga pasahero sa Department of Social Welfare and Development Processing Center for Displaced Persons (DSWD-PCDP) sa Barangay Mampang para sa tamang disposisyong legal kung saan natuklasang 25 sa mga ito ay walang anumang identification kabilang ang 16-anyos. PAUL ROLDAN

Comments are closed.