BULACAN — AABOT sa 636 na mga pulis at 706 force multipliers ang ikakalat sa mga istratehikong lugar sa Bulacan para sa “Undas 2021.”
Ipinaalala rin sa publiko ni Col. Manuel Lukban Jr., Bulacan police director, ang
Inter-Agency Task Force Resolution No. 72 na nag-uutos sa pagsasara ng lahat na publiko at pribadong sementeryo at memorial parks mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.
Sinabi pa ni Lukban na ang mga pulis at force multipliers ay itatalaga sa mga police assistance desks, motorist assistance desks at traffic assistance desks na matatagpuan malapit sa mga sementeryo, terminal ng mga bus at sa entry at exit tollgates ng North Luzon Expressway.
Magsasagawa rin ang Bulacan police ng red teaming operations at mga inspeksiyon sa mga sementeryo at mga lugar na tumpulan ng mga tao para makaiwas sa mga hindi inaasahang insidente at para makasiguro sa minimum health protocols at mapairal ang mahigpit na pagpapatupad sa mga patakaran ng community quarantine at mga lokal na ordinansa. ANDY DE GUZMAN