638 BABOY KINATAY DAHIL SA ASF

baboy

NORTH COTABATO – UMAABOT sa 638 alagang baboy na sinasabing apektado ng African Swine Fever (ASF) mula sa 500 meter radius na ground zero sa siyam na barangay ang kinatay ng mga awtoridad sa bayan ng Magpet, North Cotabato.

Ayon kay Department of Agriculture Regional Director Arlan Mangelin, mas hinihigpitan pa ngayon ng mga local government unit (LGU) ang kani- kanilang boundary checkpoints upang mapigilan ang pagkalat ng ASF.

Ayon kay Dr. Rufino Sorupia, hepe ng Provincial Veterinary Office, dumarami ang mga alagang baboy na ang kinatay sa siyam na barangay na naapektuhan ng ASF.

Patuloy din ang pagkuha ng blood sample sa mga kalapit na lugar mula sa ASF infected areas at isinasailalim sa test upang malaman kung naapektuhan din ng ASF ang kanilang mga baboy.

Ani Sorupia, mas lumawak din ang mga lugar na apektado ng virus dahil huli na nang malaman at dumating ang resulta ng kinuhang blood sample.

Sa kasalukuyan ay pinoproseso na ng Department of Agriculture Regional Office ang limang libong cash assistance sa mga apektadong magbababoy sa bayan ng Magpet. MHAR BASCO

Comments are closed.