INIULAT kahapon ng Department of Health (DOH) na panibagong 683 katao pa ang tinamaan ng tigdas, kabilang ang 15 pasyente na namatay, sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), sa loob lamang ng nakalipas na tatlong araw.
Batay sa inilabas na quick count ng DOH-Calabarzon, na pinamumunuan ni Regional Director Eduardo Janairo, nabatid na mula Enero 1, 2019 hanggang 8:00 ng umaga ng Pebrero 17, ay umaabot na sa 2,328 ang naitala nilang total measles cases na may 55 deaths o CFR na 2.4%.
Ito ay 683 kaso at 15 measles death, na pagtaas mula sa naitala nilang 1,645 measles cases with 40 deaths, noon lamang Enero 1, 2019 hanggang Pebrero 14, 2019, o matapos lamang ang tatlong araw.
“Quick count as of 8am, February 17, 2019, the total reported measles cases is 2,328 with 55 deaths (CFR=2.4%),” anang DOH, sa isang text mes-sage.
Pinakamarami pa rin namang naitalang kaso ng sakit sa Rizal na may 1,268 cases with 40 deaths; kasunod ang Laguna (325 cases with 6 deaths); Cavite (284 cases with 7 deaths); Batangas (236 cases with 1 death) at Quezon (215 cases with 1 death).
Sa kabila naman ng patuloy na pagdami ng kaso ng sakit sa rehiyon, tiniyak ni Janairo na patuloy silang gumagawa ng mga kaukulang hakbang at programa upang tuluyan nang makontrol ang pagkalat ng tigdas sa kanilang rehiyon, pangunahin na rito ang mass immunization program.
Kumpiyansa rin ang regional director na makikita ang pagbaba ng mga kaso ng sakit sa susunod na buwan.
“With everything in place, we are expecting cases to decrease next month,” pagtatapos pa ni Janairo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.