64% PINOY PABOR SA BORACAY CLOSURE

BORACAY

NAKARARAMING  Filipino ang pabor sa aksiyon ng gob­yerno na pansamantalang isara ang buong isla ng Boracay.

Resulta ito ng isinagawang  survey ng Social Weather Stations (SWS) sa tanong na  “Kamakailan, ini­rekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG), at Department of Tourism (DOT) ang pagpapasara sa buong isla ng Boracay sa mga turista ng isang taon upang simulan ang tuluyang rehabilitasyon ng isla. Kayo po ba ay Sang-ayon o Hindi Sang-ayon  sa rekomendasyon na ito ng DENR, DILG, at DOT?”

May 38 porsiyento  ang sumagot ng “strongly agree,” 26 porsiyento ang “somewhat agree,” 10 porsiyento  ang “somewhat disagree” at 10 porsiyento  ang tumugon ng “strongly disagree,” habang 17 porsiyento ang undecided.

Sinabi ng SWS na kapag ni-round up ang nakalap na porsiyento, nasa 64 porsiyento  ang maituturing na pabor sa pagpapasara ng Boracay.

Habang 64 porsiyento rin ang nagsabi na makatutulong ang rehabilitasyon ng isla ng Boracay, samantalang 61 porsiyento  naman ang naniniwala na makatutulong ang Boracay closure sa pagdami ng  mga turista sa hinaharap.

Ang karamihan sa mga sumusuporta sa pagpapasara  ng Boracay ay mula sa Min­danao, urban areas at mga natanong na may “higher education.”

Ginawa ang  survey noong Marso 23-27, 2018, at natanong ang 1,200 na adult respondents o tig-300 mula Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao. JL GUTIERREZ

Comments are closed.