INIULAT ng Department of Health (DOH) na may 66 pasyente ng HIV/AIDS infection ang nasawi sa bansa nito lamang Abril 2018.
Batay sa HIV/AIDS Registry of the Philippines ( HARP), na inilabas ng DOH- National Epidemiology Center (NEC), ang naturang bilang ng mga nasawi ay kabilang sa 924 bagong pasyente ng HIV/AIDS na naireport sa kanilang tanggapan ng nabanggit na buwan.
Nabatid na mas mataas ang naturang bilang ng mga bagong kaso ng sakit, kompara sa 628 kaso ng sakit na naitala ng DOH noong April 2017.
Sa kabuuang bilang ng mga bagong kaso ng sakit, 19 porsiyento o 179 ang may clinical manifestation na may advanced HIV infection o AIDS at 66 ang binawian na ng buhay.
Nananatili namang ang pakikipagtalik ang nangungunang dahilan ng pagkakasakit ng mga pasyente, na nasa 905 kaso na.
Sa kabuuang bilang na ito ay 774 indibidwal o 86% ang nasa ilalim ng kategoryang males having sex with males (MSM).
Mayroon din 13 kaso o 1% na mga drug user na nahawa ng HIV/AIDS dahil sa pakikigamit ng karayom sa pagtuturok ng ilegal na droga sa katawan.
Isa naman ang tinamaan ng sakit dahil sa mother-to-child transmission habang lima ang hindi batid kung paano dinapuan ng sakit.
Pinakamaraming dinapuan ng sakit sa National Capital Region (282 kaso), sumunod ang Calabarzon (164), Central Luzon (117); Central Visayas (71), Davao Region (50), at Western Visayas (44).
Iniulat din ng DOH na mula taong 1984 ay umabot na sa 54,332 HIV cases ang kanilang naitala.
Sa nasabing bilang, 5,700 ang naging full blown AIDS at 2,598 na ang nasawi. ANA ROSARIO HERNANDEZ