66TH MEETING NG BOY SCOUTS PINANGUNGUNAHAN NINA VP SARA, CONG. CORVERA

Umarangkada na nga pala ang 66th Annual National Council Meeting ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) na nagsimula nitong Mayo 10 at matatapos sa Mayo 12, bukas, sa Leyte Academic Center sa Palo, Leyte.

Ayon kay BSP President at Agusan del Norte Rep. Dale Corvera, panauhing pandangal nila si Education Secretary at Vice President Sara Duterte.

Itatalaga rin daw si Duterte bilang miyembro ng board.

Sinasabing ang council na kinabibilangan ng mga kasapi ng National Executive Board, top three officials ng 10 regional offices, 124 local councils, ay ang highest policy-making body ng BSP.

“After the postponement of the meeting in 2020, the holding of the virtual meeting in 2021 and blended meeting in 2022 due to the prevailing health threats, the BSP would return to face-to-face meeting with over 900 participants from different parts of the country,” pahayag ni Corvera.

Sa event, inaasahang makakatanggap ang konseho ng reports mula sa national treasurer at national president.

Maghahalal din sila ng apat na board members habang aamyendahan din ang BSP by-laws, kung kakailanganin.

Magsasagawa rin ng court of honor para sa scout leaders at iaanunsiyo naman ang mga nagwagi sa iba’t ibang searches.

And speaking of VP Sara, aba’y pinangunahan nga pala niya ang opening at ribbon-cutting ceremony ng Office of the Vice President Public Assistance Division Tondo Extension Office (OVP Tondo EO) sa Tondo, Maynila kamakailan.

Matatagpuan ang tanggapang ito sa Barangay 101 na nasa Mel Lopez Boulevard kung saan layon nitong mas palakasin pa ang Medical and Burial (MAB) assistance ng OVP.

Nagkaroon na rin ng kaparehong extension office ng OVP sa Lipa, Batangas noong nakaraang buwan.

Ayon kay VP Duterte, ang Tondo EO ay maghahatid ng mga mahahalagang serbisyo sa mahirap na komunidad sa lugar.

“Ginawa po namin ito dahil alam namin na marami sa ating mga kababayan na naninirahan dito ang nangangailangan ng mga serbisyo at programa mula sa ating pamahalaan…Patunay po ito ng aming hangarin sa Office of the Vice President na mapagsilbihan po kayo at mabigyan kayo ng tulong sa pamamagitan ng mga programa at proyekto na ipinapatupad namin ngayon,” pahayag ni VP Sara.

Ang OVP ay mayroon ding walong satellite offices sa mga lungsod ng Dagupan, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Davao, Bacolod, Tandag at Cauayan.

Mabuhay po kayo at God bless!