UMABOT na sa 67 ang bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (C0VID-19) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) mula nang isagawa ang testing noong Abril hanggang ngayong buwan.
Sa isa namang barangay sa Quezon City ay nasa 30 na ang kaso ng COVID-19.
Sa BIR, isinailalim sa lockdown noong nakaraang Biyernes ang National Office (main building) nito matapos na magpositibo sa virus ang 26 empleyado nito mula sa Revenue Accounting Division (RAD), Information System, Value Added Tax Section (VATAS) ng BIR Regional Office, Quezon City- (A) at Revenue District sa Mandaluyong City.
Posibleng madagdagan pa ang bilang na ito sa pagpapatuloy ng rapid test sa iba’t ibang opisina ng mga Regional at Revenue District Office sa buong kapuluan.
Ayon sa source, bukas, Lunes, ay ipagpapatuloy ang rapid test sa BIR regional office sa Makati City A & B, QC BIR A & B, BIR Manila at BIR Caloocan City, kasabay sa revenue district offices sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao bilang paghahanda sa tax filing o bayaran ng buwis sa June 15, 2020.
Sa BOC, 41 kawani nito ang positibo sa COVID-19 na ayon mismo kay BOC spokesman Philip Maronilla ay nagmula sa 1, 264 empleyado na isinailalim sa swab test.
Ayon kay Maronilla, ang 41 na positibo sa COVID-19 ay pawang hindi nakitaan ng sintomas kung saan isa rito ang nasawi.
Sa ulat naman ng Quezon City Hall ay nasa 30 tauhan ng Barangay South Trialgle ang positibo sa COVID-19 at pansamantalang sinuspinde ang operasyon nito dahil sa mga tinamaan ng virus.
Samantala, umapela ang maliliit na negosyo kay Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan sila upang makabangon mula sa pagkakalugi dulot ng COVID-19 crisis.
Nanawagan naman si BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay sa taxpaying public na maagang magsipagbayad ng kanilang yearly tax obligations at huwag nang hintayin pa ang June 15 deadline.
Ang orihinal na April 15 tax due date ay dalawang ulit na pinalugitan ng BIR (May 15 at June 15) matapos na ang buong Luzon ay isailalim sa enhanced community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa Large Taxpayers Service, ang tax collection goal ng BIR ay nasa P2.576 trillion. Sa nasabing goal, P2.495 trillion ay sa collections for operations; P1.673 trillion ang sa LTS; P821.935 bilyon sa Revenue Regions na hinati-hati sa P16 bilyon para sa Calasiao, P6 billion sa Cordillera Administative, P10 billion sa Tuguegarao, P38 billion sa San Fernando, Pampanga, P34 billion sa Caloocan City, P57 billion sa City of Manila, 96 billion sa Quezon City (A), P90-B sa QC (B), P129-B sa Makati City (A), P123-B sa Makati City (B), P47-B sa Cabamiro, P33-B sa Laquemar, P10-B sa Legazpi City; P10-B sa Iloilo City, P12-B sa Bacolod City, P38-B sa Cebu City, P8-B sa Easter Visayas, P7-B sa Zamboanga City, P11-B sa Cagayan De Oro City, P5-B sa Butuan City, P9-B sa Koronadal City at P21-B sa Davao City.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.