AABOT sa 67,738 pamilya sa Las Pinas ang makikinabang sa Social Amelioration Program (SAP).
Inanunsyo naman ng Las Pinas City Social Welfare Development (CSWD) na ngayong linggo ay ipapamahagi ng SAP para sa mga ku-walipikadong pamilya sa buong lungsod.
Ayon kay CSWD Chief Junet Barilla, ang nasabing bilang na naaprubahan ay mula sa 82,232 na nakalista batay sa mga isinumiteng listahan ng 20 barangay sa Las Pinas City.
Sinabi ni Barilla, na ongoing ang kanilang validation upang mabigyan agad ng SAP card ang mga pamilya.
Paliwanag pa nito,pagkatapos mapunan ang SAP form ay agad aniyang gagawan ito ng payroll.
Para sa mga pamilyang hindi naaprubahan sa ilalim ng SAP, isusumite ng CSWD ang master list sa Department of Social Welfare and De-velopment (DSWD) national upang matulungan din sila sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatutupad sa buong Luzon.
Inihayag din ni Barilla na may plano rin ang Las Pinas government sa ilalim ni Mayor Imelda “Mel” Aguilar na maiapela at matulungan sa anomang paraan ang mga hindi nakasali sa SAP upang maibsan ang kanilang nararanasang hirap ngayong krisis. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.