68 VOLCANIC QUAKES NAITALA SA MAYON

INIULAT ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon na patuloy na nakakapagtala ang bulkang Mayon ng mga pagyanig, rockfall events at sulfur dioxide emission.

Sa kanilang, pang-umagang bulletin, sinabi ng Phivolcs na nasa 68 volcanic earthquakes ang kanilang naitala sa nakalipas na 24-oras.

May namonitor din umanong mas mababang rockfall events na nasa 18 habang wala namang naitalang pyroclastic density currents (PDCs).

Nasa Alert Level 3 pa rin ang bulkang Mayon na nagbuga ng sulfur dioxide na umabot sa 2, 356 tonelada nitong Sabado mula sa 4,113 tonelada nitong Hulyo 28.

Nakapagtala rin ang bulkan ng slow effusion ng lava flow na nananatili sa 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully at 3.4 kilometro sa Bonga Gully.

Ang pag-collapse naman ng lava dome sa mga naturang gullies ay umabot sa hanggang 600 metro sa kahabaan ng Basud Gully.

Kaugnay nito, patuloy pa ring nagbababala ang Phivolcs sa mga residente at pinayuhan silang mag-ingat sa posibleng rockfalls, landslides, avalanches, ballistic fragments, lava flows, at mga pagputok sa paligid ng Mayon.
EVELYN GARCIA