NAKAPAGTALA ang Philippine National Police –Highway patrol Group (PNP-HPG) ng mahigit sa 6,000 motorcycle accidents sa bansa nitong nakalipas na taon ng 2021.
Sa pahayag ni Lt. Col. Christian Dela Cruz ng PNP-HPG, base sa kanilang datos ay lumilitaw na majority nang naitalang kaso ng aksidente kinasasangkutan ng mga motorcycle riders ay human errors.
Sinasabing halos 6,000 motorcycle accidents ang naitala sa bansa at may mga nagbuwis din ng buhay bunsod ng mga sakuna sa lansangan.
“‘Yan po ang isa sa mga ikinalulungkot natin. Marami po ang madalas na aksidente, lalo na po involved po ang mga motorsiklo po,” ani Dela Cruz.
Aniya, hindi naman nagkulang ng paalala ang pulisya hinggil sa wasto at disiplinadong paghawak at pagpapatakbo ng motorsiklo .
Iginiit nito, sila mismo ay nag-aalok din ng mga libreng programa sa motorcycle riders’ safety and discipline upang mabawasan ang mga sakuna na kinasasangkutan ng libo-libong motorsiklo na naglipana sa mga lansangan. VERLIN RUIZ