MAY 6,000 bagong trabaho ang inaasahang lilikhain ng konstruksiyon ng modernong subway system sa Makati City para sa mga residente nito bukod sa pangmatagalang paglago ng ekonomiya na idudulot ng proyekto sa loob at paligid ng pinakamayamang siyudad sa bansa.
Inaasahang sisimulan ng pamahalaang lokal ng Makati at ng isang private consortium ang pagtatayo sa $3.7-billion ( P200 billion) subway system sa financial district ng bansa sa susunod na buwan at sinabi ni Mayor Abby Binay na sabik na ang ‘Makatizens’ sa 10-kilometer underground train line project, kung saan walang magagastos ang gobyerno.
Sa pagtaya ng Japan International Cooperation Agency, ang multi-phased project, sa sandaling matapos, ay mag-aambag ng $600 million taon-taon sa gross domestic product (GDP) ng bansa.
Ayon kay Binay, kahit isang sentimo ay hindi gagastos ang pamahalaang lungsod sa proyekto at ang maiaambag lamang ay ang lupaing pag-aari nito.
Ang intra-city subway ay magkakaroon ng 10 air-conditioned stations at kayang i-accommodate ang mahigit sa 700,000 pasahero araw-araw.
Ayon sa mga nagpanukala ng proyekto, ang Makati ay nasa pusod ng jobs-living imbalance na tinatayang may 5 million sa araw gayong nasa 500,000 lamang ang talagang naninirahan dito.
“This means 4.5 million people flood into Makati every workday. The congested streets are well past the breaking point of capacity, and existing transport systems cannot keep up with demand. Productivity loss is acutely a Makati issue,” anila.
“This system thrives through interconnectivity with existing rail lines, enhancing the mobility of Manileños and all people across Metro Manila. The future rail line will complement the other mass transport systems such as the Metro Rail Transit-3 on Edsa, the Pasig River Ferry System and the proposed Metro Manila Mega Subway.”
Nauna nang ipinaliwanag ni Binay na ang unsolicited public-private sector partnership (PPP) proposal at draft joint venture agreement na isinumite ng consortium ng foreign at local companies, sa pangunguna ng listed firm IRC Properties Inc., ay pinagkalooban ng ‘original proponent status’.
Binigyang-diin niya na nais niyang gawing ‘pamana’ ang subway bilang alkalde ng lungsod.
“This mass transport system is Makati’s most ambitious PPP project to date. It’s part of my vision to make Makati the country’s first digital city—a city that is future-proof, connected and innovative without losing its cultural heritage and identity,” paliwanag pa ni Binay.
Ang subway ay nakikitang solusyon para mapagaan ang daloy ng trapiko sa central business district ng Makati sa pamamagitan ng pag-uugnay sa key points sa lugar tulad ng Ayala Avenue, Makati City Hall, Poblacion Heritage Site, University of Makati, Ospital ng Makati at iba pa.